Wednesday, March 11, 2015

Konsepto ng Pinagkukunang Yaman


                     Anumang bagay, may buhay man o wala, ay nagiging pinagkukunang-yaman (resource) sa sandaling mapagtanto ng tao ang kapakinabangan nito upang mapunan ang kanyang pangangailangang pang-ekonomiko.

Pinagkukunang-yaman- tumutukoy sa mga salik ng produksyon bilang mga input (lupa, paggawa, kapital, at entreprenyur) at mga tapos na kalakal at paglilingkod bilang output.

Mga salik ng produksyon
  • Lupa – tumutukoy sa mga yamang likas o kaloob ng kalikasan kabilang ang mga lupaing agrikultural at industriyal.
  • Paggawa – ito ay nangangahulugan ng oras na ginugugol ng tao sa produksyon. Binubuo nito ang lakas-paggawa ng isang bansa.
  • Kapital – tumutukoy sa mga bagay na nilikha ng tao na ginagamit sa proseso ng produksyon tulad ng makinarya at iba pang mga kagamitan at imprastruktura.
  • Entreprenyur – isang indibidwal na nagsasaayos, nangangasiwa at nakikipagsapalaran sa isang negosyo.

Mga Uri ng Pinagkukunang-Yaman

  1. Yamang Likas – pinaniniwalaang pangunahing pinagmumulan ng yaman at batayan  ng kaunlarang pangkabuhayan ng isang bansa. Ito ay binubuo ng mga yamang lupa, yamang tubig, yamang mineral at yamang gubat.
  2. Yamang Tao – ang tao mismo ang nagtatrabaho at nagpapaunlad sa mga yamang likas
  3. Yamang Kapital (capital resources) – tumutukoy sa lahat ng bagay na ginagamit ng tao upang makabuo ng panibagong produkto.

Pagpapanatili sa mga Likas na Yaman
Maaaring uriin ang mga likas na yaman sa dalawa batay sa bilis ng pagpapalit nito:

  • Yamang Napapalitan – mga likas na yaman na matapos katasin ay medaling napapalitan ng kalikasan. Kabilang dito ang yamang gubat at yamang tubig.
  • Yamang Di-napapalitan – ay mga yamang matapos katasin ay hindi agad napapalitan ng kalikasan. Kabilang dito ang yamang lupa at yamang mineral.
      Ang lupa, paggawa, at kapital ay mga pinagkukunang-yaman na kailangan sa produksyon ng kalakal (goods) at serbisyo (services). Ang bawat antas ng paglikha o produksyon ay kinakailangang magkaroon ng mahahalagang sangkap upang sumulong ang buong proseso.

Wastong pagpapahalaga ng pinagkukunang-yaman
    Ang pangangalaga at pagpapahalaga sa mga pinagkukunang-yaman ay nararapat na bigyang-pansin upang matiyak na mapakikinabangan pa ito ng mga susunod na henerasyon.


Tatlong paraan sa pangangalaga ng pinagkukunang-yaman:
  • Likas-kayang Paggamit – tumutukoy sa paggamit ng mga yamang likas sa paraang makapagbibigay ang mga ito ng lubos na kapakinabangan ngunit hindi manganganib na maubos sa pamamagitan ng paggamit ng biological resource, konserbasyon, at integrasyon ng konserbasyon at likas-kayang paggamit ng biological diversity.
  • Konserbasyon – tumutukoy sa maingat at makatwirang paggamit ng mga yamang likas at ang pangangalaga sa mga ito laban sa pagkawasak at pagkasira.
  • Mga Batas na Pangkalikasan – National Integrated Protected Areas System Act of 1992, Philippine Mining Act of 1995, Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at Wildlife Resources Conservation and Protection Act.






Reference:Ekonomiks:Mga Konsepto at Aplikasyon



No comments:

Post a Comment